Wednesday, March 24, 2010

NPA PINATOTOHANAN ANG LANTARANG PTC AT PTW

Kahit anung paraan ang gawin ng New People’s Army (NPA) sa pagtanggi at pag-iwas sa isyu ng paggamit sa eleksyon upang makalikom ng sangkatutak na pera pangtustos sa kanilang pakikibaka at malamang pati na rin sa matiwasay na buhay ni Jose Ma. Sison sa Netherlands, ang katotohanan pa rin ang mangingibabaw. Hindi maikakaila na mayroon ngang nangyayaring bayaran sa iba’t-ibang panig ng bansa upang maisakatuparan ang pagkapanalo ng mga pulitikong suportado ng mga rebelde. Ngunit may isang grupo na nagpakilalang TERCERISTA ang kumokondena sa laganap na paggamit ng eleksyon bilang isang negosyong pagkakaperahan.

Ang paghihiwalay ng naturang grupo ay nagbigay daan sa bagong kahulugan ng CPP-NPA-NDF bilang Communalist Proletariat Party – Nationalist Patriotic Army – National Diagraphic Fundamentalist. Ipinakita ng TERCERISTA ang kanilang katapangan na talikuran ang lider na si Sison at tuligsahin ang utos nitong magkaroon ng aktibong partisipasyon para sa paparating na halalan. Iginigiit din ng grupo na iba ang kanilang isinusulong kaysa sa ideya ni Sison na kumita ng pera sa pamamagitan ng pakikipag-alyansa sa iba’t-ibang organisasyon at mga pulitiko na kumakandidato. Higit sa lahat, tahasang inihahayag at ipinalalabas ng TERCERISTA ang mga nakikita nilang kabalastugan na nangyayari sa loob ng Communist Party of the Philippines (CPP) upang ito ay maipaalam sa madlang Pilipino.

Malaking isyu na pinag-uusapan ngayon ang tungkol sa Permit-to-Campaign (PTC) at Permit-to-Win (PTW) na ipinapataw ng mga rebeldeng komunista sa mga pulitikong tumatakbo sa kani-kanilang lugar. Tinutulungan nila ang mga sinusuportahan nilang pulitiko gamit ang kanilang mga armas para mapasunod sa kanilang kagustuhan ang mga taong nakatira sa kanilang nasasakupan. Ito lamang ay isa sa mga iginigiit ng mga TERCERISTA patungkol sa CPP. Kung kaya, hindi rin mawari ng TERCERISTA kung bakit idinidiin ng mga rebelde na wala silang kinalaman sa PTC at PTW.

Ang nangyaring pagkakawatak-watak sa CPP ay hudyat lamang na hindi lahat ay umaayon sa mga kasalukuyang nangyayari sa loob ng kanilang partido. Hindi naman talaga kasama sa kanilang ideolohiya ang paggamit sa eleksyon para sa kanilang sariling interes lamang. Ito ay isa lamang pakikialam sa magulong usapin ng pulitika kapalit ng salapi at nagsisilbing taga-bigay ng proteksyon sa ilang mga pulitiko. Kung patuloy na magiging magulo ang ipinaglalaban ng partidong komunista, hindi malayong mangyari na isa-isa nang mawawala ang kanilang mga miyembro. Unti-unting mawawalan ng respeto ang mga miyembro sa mga namumuno dahil na rin sa maling pamamalakad.

No comments:

Post a Comment