Wednesday, December 30, 2009
CHR, NAMIMILI NG PROPROTEKSYUNAN
Marami ang nagtataka sa inaasal ni Commission on Human Rights (CHR) Chair na si Leila De Lima kaugnay sa dineklarang martial law sa probinsya ng Maguindanao. Ayon sa kaniyang pahayag ay direkta niyang ipinag-utos sa kaniyang mga tauhan ang mahigpit na pagbabantay sa mga miyembro at galaw ng 601st Brigade ng Philippine Army at iba pang pwersa ng gobyerno. Kung susuriin, nagpakita agad si De Lima ng pagka-bias dahil tahasan nitong sinabi na may magagawang pagmamalabis sa karapatang pantao ang pwersa ng gobyerno sa kanilang ginagawang pagtutugis sa mga suspek ng Maguindanao massacre na kumitil sa buhay ng 57 katao.
Ito marahil ang dahilan kung bakit nagmimistulang pipi at bingi ang CHR sa ibang kaso ng pag-aabuso sa karapatang pantao dahil ang kanilang atensyon ay nakatuon lamang parati sa pagbabantay sa gobyerno. Dahil dito, isang mensahe ang gustong iparating ng taong bayan sa pinuno ng CHR na si Leila De Lima. Marami pang grupo sa bansa ang may kapasidad na gumawa ng pang-aabuso sa karapatang pantao. Isa sa pinakamatindi ay ang mga NPA na walang habas na pumapatay sa ilang probinsya tulad ng napatunayan sa natuklasang mass graves sa Inopacan, Leyte. Ito ay bukod pa sa mga araw-araw nilang ginagawang pang-aabuso sa mga probinsya kung saan sila ay walang patumangging pumapatay ng mga sibilyang nagpapahiwatig lamang ng pagkontra o paglaban sa kanilang mga iligal na mga gawain. Hindi ba’t wala silang pinagkaiba sa pumatay sa Maguindanao?
Inamin na mismo ni De Lima na ang pagdeklara ng martial law sa Maguindanao ay nagbukas ng isang maganda oportunidad para maglakas loob ang maraming testigo na nagnanais isiwalat ang mga naging krimen ng mga pamilya Ampataun na sinasabing suspek sa naganap na masaker. Ayon mismo kay De Lima ay matagal nang nabalitaan ng kaniyang tanggapan ang ilang insidente ng pagpatay na ginagawa ng mga Ampatuan ngunit dahil na rin sa kanilang takot ay hindi nila ito maimbestigahan kung kaya’t umabot ito ng ilang buwan bago ipinag-alam sa publiko at mga kaukulang awtoridad.
Ang ahensya tulad ng Commission on Human Rights (CHR) ay hindi dapat nagproprotekta lamang ng ilang piling grupo o sektor ng lipunan. Maigi na imulat ni Chair Leila De Lima ang kaniyang mata at maging patas sa mga imbestigasyon na gagawin ng kanilang ahensya. Mainam na binabantayan nila ang sitwasyon sa Maguindanao ngunit dapat din ay maging mulat sila sa mga krimen laban sa karapatang pantao na nagaganap sa ibang panig ng bansa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment