Nagdeklara kamakailan si Representatives Satur Ocampo at Liza Maza ng kanilang desisyong tumakbo bilang independente sa dadating na eleksyon para sa pagka-senador. Ayon sa kanilang naging pahayag, ang kanilang desisyon ay bunsod ng naging pormal na pakikipag-alyansa ng Nacionalista Party (NP) ni Senador Manny Villar sa Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ni Congressman Bongbong Marcos at ang pagsama sa huli sa senatorial slate ng nasabing presidentiable.
Dahil sa kanilang naging desisyon, saan ngayon pupulutin ang una na nilang naging usapan na magbibigay ng 2 milyon boto ang kampo nila Satur at Liza sa kandidatura ni Villar kapalit ang pagbibigay ng suportang pinansyal at ang pangakong paglalaan ng limang cabinet posts at committee chairmanship sa senado sakaling manalo ang naturang presidential aspirant sa 2010? Kung babawiin nila ang naging alok kay Villar, kanino na nila ito muling ilalako gayung una na silang tinanggihan ni Senador Mar Roxas na ngayon ay tatakbo na lamang bilang bise presidente ni Senador Noynoy Aquino? Hindi rin maaaring i-alok kay Senador Chiz Escudero dahil ito ay nagpahayag na rin ng pag-atras sa karera sa pagka-pangulo.
Kung susuriin maigi ang naging pahayag ng dalawang progresibong mambabatas ay maaari nating masabi na ang kanilang deklarasyon ay isang palabas lamang upang sila ay hindi masabihan ng pagbabalimbing at pagkampi sa pamilya Marcoses. Hindi nga naman magiging maganda sa kanilang imahe ang pag-alyado sa isang partido na susuporta kay Bongbong. Bukod dito, dahil sa naging anunsyo nila ay nagmistulang maprinsipyo nga naman ang dalawang representante. Pero kung babalikan ang lahat ng naging pahayag, hindi ba’t mismong si Satur ang nagpatunay na bagama’t tatakbo sila bilang independente ay patuloy pa rin silang makikipag-ugnayan kay Villar pati na rin sa ibang presidential aspirants. Sa madaling salita, patuloy nilang iaalok ang 2 milyong boto at ang paghingi ng kapalit para dito. Kung baga, sila ay magiging ghost candidates sa ilalim ng Nacionalista Party ni Senador Villar. Panalo pa rin nga naman sila sa kinalaunan.
Kung tutuusin, walang mawawala sa dalawa dahil sa pagtakbong independente, bagkus ay tila naging kampeon pa si Satur at Liza sa mata ng mga Pilipinong nakaranas ng hagupit ng martial law rule noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos kung kaya’t madali nila itong mahihimok na ilagay ang kanilang mga pangalan sa balota. Plantsadong-plantsado ang moro-morong palabas ni Satur at Liza.
Dapat nating tandaan na dito sa bansa nating Pilipinas, hindi lahat ng nakikita ay totoo. Hindi lahat ng naririnig ay ang katotohanan kung kaya’t dapat pagnilayan at suriing mabuti. Hindi masama na mapaalalahanan tayo na marami sa ating mga pulitiko at gustong maging pulitiko ang pwedeng mag-mistulang tupa ngunit ang katunayan ay mga lobo pala.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Great blogs! I thought we could have a link exchange with our site. The site is http://www.philippinebeat.com
ReplyDelete