Thursday, May 7, 2009

PAGTAKBO NG MGA NPA SA 2010 KASADO NA

Noong Marso 16, 2009 ay opisyal na nilunsad ang Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o ang grupong nagpapatawag ng MAKABAYAN sa University of the Philippines sa lungsod ng Quezon. Ang pagtitipon ay dinaluhan ng mga miyembro at taga-suporta ng MAKABAYAN at piling mga personalidad mula sa oposisyon at kilalang mga tao ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Ang MAKABAYAN ay tinayo upang maging isang koalisyon ng mga kilalang anti-Gloria groups na ating natuklasan at unti-unting napapatunayan na direktang binuo ng mga aktibistang makakaliwa o ng CPP upang maging makinarya sa likod ng mga naka-upong party list groups tulad ng Bayan Muna, Gabriela at Anakpawis. Hindi ba’t nakakapagtaka ang pagbibigay ng solidarity message ni Jose Maria Sison, kilala at ibig pabagsaking lider ng CPP, sa okasyon ng founding assembly ng MAKABAYAN?

Hindi ba’t ito ay nagpapatunay lamang na tama ang naunang napabalitang plano ng CPP na gayahin ang nangyari sa Nepal kung saan ay matagumpay na napasok ng mga komunista ang gobyerno sa pamamagitan ng pagtakbo at pagpapatakbo ng kanilang mga taga suporta sa mga ilang piling pwesto? Tulad ng naka-ugalian na ni Joma ay balak na naman niyang manggaya sa ibang bansa at isubo ang kaniyang mga tagapagsunod sa isang larangan na dati na niyang tinalikuran at dati nang naging dahilan ng pagbagsak ng Partido Komunista ng Pilipinas na unang kinabilangan nitong si Sison.
Lingid sa kaalaman nina Senador Manny Villar, Mar Roxas III, Francis Pangilinan at Jamby Madrigal ay binuo ang MAKABAYAN upang hikayatin at lokohin ang mga tulad nilang nagnanais makapwesto sa 2010 na makipag-ugnayan sa grupo ng Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela at magamit ang kani-kanilang mga financial machinery upang maipwesto ang mga taong una nang hawak ng CPP at NPA. Hindi nila alam na sila lamang ang naluluto sa sarili nilang mantika gayung pera nila ang mistulang maglalaho kung matutuloy ang kanilang pakikisama sa ganitong mga grupo.

Patunay na lamang dito ang nangyaring unang pagbibigay ng tig P100,000 nina Villar, Roxas, Pangilinan at Madrigal sa mismong founding assembly. Mistulang binibili lamang nila ang suporta ng mga grupong militante. Hindi ba’t sila ay mistulang mga uto-uto na sumusunod sa mga ulayaw ng mga CPP?

Nakakatakot din ang pagkuha ni ERAP kay Teddy Casiño bilang parte ng kaniyang senatorial slate. Hindi ba natatakot si ERAP na siya pa mismo ang kumuha ng taong sasaksak sa kaniyang likod gayung si Casiño ang isa sa mga dating nanggigilaiti sa entablado at sumisigaw ng “ERAP BABA!” noong panahon na siya ang pangulo pa ng bansa? Si ERAP ba ang tumalikod sa mga taga oposisyon o si Casiño ang nasilaw sa pera sa kampo ni ERAP?

No comments:

Post a Comment