Friday, May 15, 2009

NPA PINAWALANG SALA NI PHILIP ALSTON


Sa isang 16-pahinang report na may petsang Abril 29, 2009 na sinumite ni United Nation Special Rapporteur Philip Alston sa Human Rights Council ay nagmistulang napawalang sala ang mga New People’s Army sa kaliwat-kanang mga pagpatay nito sa kanilang mga dating kasama sa partido at mga nahatulan ng kamatayan sa kanilang tinatawag na “kangaroo court”.

Ayon na mismo sa representante ng UN, ang mga NPA ay kadalasang gumagawa ng extrajudicial executions na kanilang kinukubli sa pamamagitan ng pagtawag nito bilang ‘revolutionary justice”. Ngunit ang nakakalungkot ay ang ganitong uri ng pagpatay ay hindi man lamang kinondena ni Alston sa kahit anong parte ng nasabing report na kaniyang ibinigay sa pamunuan ng UN Human Right Council kamakailan lamang.

Dahil dito, malinaw na ang isang representante ng human rights ang siya mismong nagpapawalang bahala sa mga totoong nangyayari sa ating bansa. Marahil ay nagbubulag-bulagan si Alston sa mga naging biktima ng mga NPA na kung ating bibilangin ay umabot na sa 20 simula lamang ng taon na ito; at ito lamang ay ang mga nababasa natin at nababalitaan. Paano pa kaya ang mga iba? Karamihan sa kanilang mga naging biktima ay mga tao na hindi man lamang nabigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili sa mga paratang na kadalasang ginagamit ng mga rebelde bilang rason upang walang kagatol-gatol na pumatay ng kanilang kapwa.

Ilan sa kanilang naging biktima ay ang isang menor de edad na si Ricky Roman na taga Sorsogon na kanilang pinaratangan na isang snatcher bago siya pinatay. Hindi ba’t si Alston pa mismo ang nagsabi na sa isang dyaryo (Manila Times) na “no one deserves to be shot or stabbed to death for petty crimes”? Si Nestor Pajabera na dati nilang kasapi na pagkatapos magbalik loob sa gobyerno ay kanilang pinatay. Bukod sa menor de edad, kadalasan nilang biktima ay mga sundalo at mga pulis na kanilang pinapatay habang ang mga ito ay papauwi sa kani-kanilang mga pamilya – malayo sa bakbakan - o di kaya ay inosenteng namamalengke. Hindi rin nila pinapatakas ang mga retiradong sundalo tulad na lamang ni Ernesto Evasco na pinaslang sa Lucena City noong Pebrero 2, 2009.

Ang mga NPA ay hindi rin namimili ng oras ng pag-atake tulad na lamang nang kanilang patayin ang isang dating barangay captain na si Augusto Ceasar ARANA habang kasama nito ang kaniyang 12 anyos na anak - na nalagay ang buhay nito sa alanganin - sa Davao City. Sa patuloy na pagmamatigas ni Alston na hindi pansinin at ipagwalang bahala ang patuloy na pagpatay ng NPA sa bansa ay nagmistulang taga-suporta tuloy ang representante ng nasabing armadong grupo. Ito ba ang gusto niya? Kung gusto talaga ni Philip Alston na maging patas at mabigyan ng hustisya ang mga naging biktima ng extrajudicial killings sa bansa ay dapat kondinahin din niya ang mga NPA at i-rekomenda kay Pangulong Arroyo na ito ay lutasin sa lalong madaling panahon.

No comments:

Post a Comment