Monday, July 20, 2009

CPP-NPA PANIGURADONG DOBLE KARA SA PEACE NEGOTIATIONS

Maugong ang balita na ang peace negotiations na balak simulan sa pagitan ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines kasama ang armadong grupo na New People’s Army sa dadating na Agosto ay isang pakana lamang upang “utuin” ang administration ni Arroyo. Sa kagustuhan kasi ng gobyerno na makamit ang tinatawag na “lasting peace” sa ating bansa at patuloy na umusad na ang ating ekonomiya ay handa itong maniwala at bigyan ng pagkakataon ang mga tulad ng CPP at NPA sa usapang pangkapayapaan. Ngunit, hindi nila alintana na ang kanilang kausap ay doble kara pala.

Matagal nang nakabinbin ang peace talks sa pagitan ng dalawang kampo pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ito tuluyang umuusad dahil patuloy pa ring nagpapakita ang mga rebelde ng kanilang kawalan ng respeto sa karapatang pantao ng mga sibilyan. Isang halimbawa na lamang ay ang pinakahuling atake na inilunsad ng mga ito sa bayan ng Toboso sa probinsya ng Negros Occidental nitong July 13 kung saan mahigit sa 30 armadong rebelde ang nagpaulan ng putok sa isang Isuzu Canter truck na sinasakyan ng mga sibilyan. Dahil dito ay tatlong estudyante ang agarang namatay sa insidente habang ilan sa kanilang iba pang mga kasamahan ay lubhang nasugatan.

Nakakalungkot na ang gobyerno ay handang ipatupad muli ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) para patunayan ang kanilang sinseridad na makamit ang kapayapaan sa bansa pero ang mga NPA ay patuloy pa ding sumasalakay sa ibat-ibang parte ng bansa. Pati mga inosenteng sibilyan ay kanila nang inaatake ng walang kalaban-laban. Paano tayo maniniwala na kapayapaan ang hangad nila kung ganito ang kanilang pakikitungo sa ating gobyerno? Hindi ba ito ay isang konkretong halimba na sila ay doble kara?

Paano mapapatunayan ni Jose Maria Sison, Luis Jalandoni at Fidel Agcaoili na susundin ng mga NPA ang alituntunin sa peace negotiations at sa panahong magdeklara ng pagkakasundo ang dalawang kampo kung ngayon pa lamang ay hindi nila mapasunod ang mga rebelde? Tulad na din ba sila ng mga MILF na may mga paksyon na direktang kumakalaban sa kanilang liderato at ngayon ay naglulunsad na ng sarili nilang mga operasyon? Ito ay hindi imposible dahil may umiikot din na bulong-bulungan na may kumokontra mula sa kanilang hanay sa gaganapin na peace talks at mas gusto na tuluyang maglunsad ng kaliwat-kanang pag-atake hindi lamang sa mga sundalo kung hindi pati na din laban sa mga sibilyan.

Ito ba ang klase ng mga grupo na dapat bigyan tiwala ng ating gobyerno?

No comments:

Post a Comment