Mukhang nagiging masyadong malupit na ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) dahil ultimo media practitioners ay ginagamit na nila upang makapag-hasik ng lagim sa kanilang nasasakupan. Noong nakaraang Disyembre 20, 2009 ay sumalakay ang 25 rebelde sa isang istasyon ng pulis sa San Narciso sa probinsya ng Quezon kung saan ang limang babaeng kasama ng grupo ay nagpanggap bilang taga-media at ang ilang kasamang mga lalaki naman nagpanggap na miyembro ng militar. Dahil sa kanilang magaling na pagbabalatkayo, napaniwala nila ang mga pulis kung kaya madaling nakapasok sa loob ng istasyon at walang balakid na naisakatuparang kunin ang mga armas, bala, laptop, cellphone, uniporme at malaking halaga ng pera.
Sa pangyayaring ito, marapat na batikusin ng mga taong bayan lalo na ng mga taga-media ang ginawang pag-atake ng mga miyembro ng NPA. Wala man dugong dumanak sa nasabing insidente, ito ay maituturing na isang kawalang-galang lalo na sa mga miyembro ng media. Marapat na batikusin at ikondena ng mga media practioners ang ginawa ng mga NPA dahil nabahiran ang kanilang propesyon. May posibilidad na hindi na papaniwalaan ng taong bayan ang mga taga-media dahil nawalan ng kredibilidad ang mga ito sa ginawang pagpapanggap at panlilinlang ng mga rebelde. Samakatuwid, maaring paghinalaan ang ibang mamamahayag na patuloy na naninira at bumabatikos sa kasalukuyang administrasyon na sila ay kasabwat o miyembro ng NPA.
Ang mga rebeldeng NPA ay malinaw na nagkasala sa batas dahil malinaw na pagnanakaw lamang ang motibo ng kanilang ginawa. Maituturing na isang krimen ang kanilang ginawa dahil sa pagkuha ng hindi nila pag-aari. Ang mga rebeldeng umatake ay naging gahaman sa pera at sakim sa kapangyarihan dahil ultimo mga kagamitan ng mga pulis ay kanilang kinuka.
Isang malaking sampal sa mga taga-media ang nangyari sapagkat ang mga rebelde ay laging humihingi ng tulong lalo na kung may gusto silang ihayag patungkol sa gobyerno. Ito ba ang isususkli ng mga NPA sa mga media na handang tumulong sa kanila sa anumang oras? Papaano maririnig ang mga diumano’y hinaing ng mga rebelde kung tuluyang wawakasan ng media ang kanilang pakikipag-ugnayan sa isa’t-isa?
Samakatuwid, pinalalabas lamang ng mga pangyayari na hindi karapat-dapat pagkatiwalaan ang mga rebeldeng NPA dahil ultimo mga taong nakikipag-tulungan sa kanila upang marinig ng samabayanan ang kanilang hinaing ay kanilang kinakatalo. Kung kaya nila itong gawin sa industriya ng media, malaki rin ang posibilidad na magagawa nilang talikuran at ilaglag ang taong bayan dahil sa ningning ng pera at kapangyarihan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment