Tuesday, September 29, 2009

ARMADONG GRUPO NI SATUR, KINONDENA SA BICOL

Isang daang (100) manggagawa ng Sunwest Water & Electricity Co (Suweco) sa Barangay Solong sa bayan ng San Miquel, Catanduanes ang nawalan ng trabaho nang umatake ang mahigit 20 armadong rebelde sa ginagawang Solong mini-hydroelectric power plant sa nasabing lugar nitong nakaraang Setyembre 7, 2009 lamang. Ayon sa ulat, ang mga rebelde ay umatake pagkatapos humingi ng ilang daang libong piso mula sa pamunuan ng Suweco na kanila namang bigong nakuha mula sa nasabing kompanya.

Ang naturang insidente ay isa nanamang dagdag sa humahabang listahan ng mga krimen ng NPA at mga katunayan na sadyang hindi mapagkakatiwalaan ang New People’s Army at ang liderato ng Communist Party of the Philippines patungkol sa usaping pangkapayapaan. Ang mga kompanyang ito na nagiging instrumento upang magkaroon ng pag-unlad sa ilang barangay sa rehiyon ay hindi dapat inaatake ng mga NPA bagkus ay dapat tinutulungan pa nila dahil ang ginagawang dam ang magiging daan upang magkaroon ng mababang elektrisidad ang ating mga kapatid na Bicolanos.

Ngayon, hindi lamang ang pag-unlad ng San Miguel ang nalagay sa alanganin kung hindi ultimo hanap buhay ng 100 nating kababayan sa Bicol ay kanila na ring dinala sa peligro, ito ay upang makapangikil lamang sa mga kompanyang tulad ng Suweco.

Dahil sa nasabing insidente ay dapat lang na pag isipang mabuti ng gobyerno ang pakikipag negosasyon nito sa mga rebelde sa usaping pangkapayapaan. Ang patuloy na pagpatay at pag atake ng CPP-NPA sa mga walang kalaban laban nating mga kababayan ay nagpapakita lamang ng kawalan ng sinseridad at puso ng CPP-NPA upang tuluyang magkaroon ng kapayapaan at makinabang ang mamamayan.

Bukod dito, nagiging mas malinaw para sa atin na paniwalaan na ang tanging hangad ng mga miyembro ng CPP-NPA ay ang pabagsakin ang ating bansa sa pusali dahil ang kanilang ginawang pag-atake sa Bgy Solong, San Miguel ay malinaw na halimbawa ng tinatawag na economic sabotage.

Sa mga nakaupo sa ating gobyerno at mga miyembro ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process o OPAPP, pakinggan nyo nawa ang panawagan na itigil nyo muna ang pagbibigay sa kung ano-anong kondisyon na hinihingi ng mga CPP-NPA at kanilang naatasang mga negosyador hangga’t hindi napapatunayan na kapayapaan nga ng bansa ang kanilang tunay na hangad at hindi pansariling interes lamang.

No comments:

Post a Comment