Sunday, March 28, 2010

VILLAR NALOKO NI MAZA AT OCAMPO

Ang buong akala ng kampo ni Senador Manny Villar ay tapat ang kanilang binuong alyansa sa mga kilalang progresibong kandidato na sina Satur Ocampo at Liza Maza. Dahil na rin sa ningning ng binitiwang pangako na 2 milyong command votes para sa Nacionalista Party at ang buong senatorial slate nito ay mistulang na-iukit ang kasunduan sa pagitan ng dalawang grupo.

Ngunit ang nasabing alyansa ay posibleng maglaho dahil na rin sa isang nadiskubreng plano. Lingid sa kaalaman ni Villar ay wala palang balak tuparin ng kampo nila Satur ang pangakong pagbibigay ng 2 milyong boto sa NP dahil tanging ang pangalan nila Ocampo at Maza ang kasalukuyang inuutos na dapat isulat sa balota ng mga senador sa dadating na eleksyon.

Ito ba ang isusukli ng mga militante sa kasunduan nila kay Villar? Ang gawing mistulang talunan ang iba nitong mga kandidato sa pagka-senador? Paano na sina Miriam Defensor-Santiago, Bong Revilla, Pia Cayetano, Bongbong Marcos, Ariel Querubin, Adel Tamano, Gilbert Remulla, Susan “Toots” Ople, Gwendolyn Pimentel at Mon-Mon Mitra na kanilang pina-asa na may makukuhang malaking boto mula sa kanilang hanay? Kung si Marcos lang sana ang hindi iboboto ng mga militante ay maaari pa nating maintindihan ngunit ang paglaglag sa buong senatorial slate ay isang malinaw na kalapastanganan.

Sa posibleng magiging away sa loob NP sa pagkakataong lumabas at matunugan ng ibang kandidato ang ganitong pagtataksil ay sino kaya ang kakampihan ni Villar? Tatayo ba siya sa likod ng iba niyang senatoriables at ipagpipilitan na iutos nila Satur at Maza sa kanilang mga taga-suporta na ang buong miyembro ng kaniyang senatorial slate ay iboto or siya ba ay magsasawalang-kibo na lamang upang hindi maging tagilid ang kaniyang posibleng pagkapanalo sa pagka-pangulo?

Dito natin masisilip kung talagang may prinsipyo si Villar tulad ng kaniyang matagal nang isinasaad sa publiko o baka mas makinang ang kaniyang pangarap na maka-upo sa palasyo tulad ng ating napatunayan ng ito ay makipag-alyado sa mga sinasabing taga-suporta ng komunismo.

No comments:

Post a Comment